Ikatlong Internasyonal (Komunista) Ika-IV na Kongreso - Ika-labing-ikadalawang Sesyon. Nobyembre 16, 1922 |
|||
|
ULAT TUNGKOL SA PASISMO ng delegado ng Partido Komunista ng Italya |
|||
|
Ang Pinagmulan ng Kilusang Pasista Ang Programa ng Pasismo Mga Kamakailang Kaganapan |
Kolaroff: Bukas na ang sesyon. Tinatawagan ko si kasamang Bordiga upang mag-ulat
tungkol sa usapin ng Pasismo.
Bordiga: Mga mahal kong kasama, ikinalulungkot ko na ang kasalukuyang
pambihirang kalagayan ng komunikasyon sa pagitan ng delegasyon at ng Partido ay
hindi magpapahintulot sa akin na magamit ang lahat ng mga dokumento ukol sa
usaping ito.
Isang ulat ang isinulat sa paksang ito ng ating Kasamang Togliatti, ngunit hindi
ko pa nagkaroon ng pagkakataong makita ito. Hindi pa ito dumarating, at ipapayo
ko sa mga kasama na nagnanais na makakuha ng eksaktong impormasyon sa paksang
ito na basahin ang ulat na iyon kapag dumating na, dahil sa sandaling matanggap
ito ay isasalin at ipapamahagi ito rito.
Gayunpaman, kagabi ay nakakuha ako ng karagdagang impormasyon, dahil ang
espesyal na sugo ng ating Partido ay dumating na sa Mosku at nagbigay sa akin ng
mas detalyadong impormasyon tungkol sa mga impresyon ng ating mga kasama sa
Italya kaugnay ng mga pinakabagong kaganapang pasista, at ang mga iyon ang aking
tatalakayin sa huling bahagi ng aking ulat.
Tatalakayin ko ang isyung ibinangon ni kasamang Radek kahapon tungkol sa
paninindigan ng Partido Komunista sa Pasismo. Pinuna ng ating kasama ang
paninindigan ng ating Partido sa isyu ng Pasismo, na siyang pangunahing usaping
pampulitika sa Italya.
Pinuna niya ang ating pananaw – ang ating sinasabing pananaw – na diumano’y
binubuo ng pagnanais na magkaroon ng isang maliit na partido at limitahan ang
pagsasaalang-alang sa lahat ng mga usapin batay lamang sa aspeto ng organisasyon
ng Partido at ng kanilang agarang kahalagahan, nang hindi na lumalalim pa sa mga
mas malalaking isyung kinakaharap.
Susubukan kong maging maikli, dahil sa limitasyon sa oras, at sa pamamagitan ng
ilang panimulang salitang ito ay sisimulan ko na ang aking ulat.
Tagapangulo: Kasamang Kolaroff.
Mga Nilalaman - Ulat tungkol sa Pasismo - Kasamang Bordiga. Talakayan sa Ulat.
Ang Opensiba ng Kapitalista. Mga Tagapagsalita: Bordiga, Smeral, Pullman, Urbans.
Nagbukas ang sesyon ng 12:30 n.h.
Ang Pinagmulan ng Kilusang Pasista
Tungkol sa mga pinagmulan ng kilusang Pasista, sa tinatawag nating tuwiran at panlabas na kahulugan, matutukoy ito pabalik sa taong 1914-1915, partikular sa panahong nag-una sa pakikisangkot ng Italya sa digmaang pandaigdig. Sa katunayan, ang mga grupong nagtatag nito, na nagtaguyod ng iba’t ibang tendensiyang pampulitika, ay ang mismong mga sumuporta sa pakikisangkot na ito. Mayroong isang grupo sa kanan, na pinamumunuan ni Salandra at ng mga malalaking industriyalista, na may pansariling interes sa digmaan, at na bago pa man nanawagan ng pakikisangkot sa panig ng Entente ay masigasig nang sumuporta sa isang digmaan laban dito. Nariyan din ang mga tendensiya ng makakaliwang burgesya: ang mga radikal na Italyano, ibig sabihin, ang mga demokrata ng kaliwa at ang mga republikano, na tradisyonal na pabor sa pagpapalaya ng Trieste at Trento. At sa wakas, sa loob ng kilusang interbensyunista, mayroon ding ilang elemento ng kilusang proletaryo, partikular ang mga rebolusyonaryong sindikalista at anarkista. At sa gitna ng mga huling grupong ito ay matatagpuan natin (bagaman isang indibidwal lamang, totoo, ngunit napakahalaga) ang pinuno ng makakaliwang pakpak ng partidong sosyalista at direktor ng Avanti!: si Mussolini.
Maaaring sabihin, bilang isang magaspang na pagtataya, na ang mga grupo sa Sentro ay hindi nakilahok sa pagbuo ng kilusang Pasista kundi nanatili sa loob ng balangkas ng tradisyunal na pulitika ng burgesya. Ang mga natira sa kilusang Fasci di Combattimento ay yaong nasa sukdulang Kanan at yaong nasa sukdulang Kaliwa, ibig sabihin, ang mga dating anarkista, dating sindikalista at mga dating rebolusyonaryong sindikalista. Ang mga grupong pampulitikang ito, na noong Mayo 1915 ay nakapagtala ng malaking tagumpay sa pamamagitan ng pagpilit sa Italya sa digmaan laban sa kagustuhan ng nakararami sa bansa at maging ng parlamento (na hindi nakatugon sa isang mabilisang pag-atake o coup de main), ay nakitang bumagsak ang kanilang impluwensya pagkatapos ng digmaan, at sa katunayan ay napansin na ito kahit noong kasagsagan pa mismo ng hidwaan.
Inilarawan nila ang digmaan bilang isang napakadaling negosyo, at nang humaba ang digmaan ay nawala ang kanilang katanyagan, na sa simula pa lang naman ay napakaliit na. Samakatuwid, ang pagtatapos ng digmaan ay naghudyat sa pagbaba ng kanilang impluwensya sa pinakamababang antas.
Sa pagitan ng pagtatapos ng 1918 at ng unang kalahati ng 1920, na isang panahon ng demobilisasyon at pagbagsak ng ekonomiya, ang tendensiyang pampulitikang ito ay walang gaanong kinahinatnan dahil sa pangkalahatang diskontento na dulot ng mga epekto ng digmaan. Gayunpaman, madaling matukoy ang pampulitika at organikong koneksyon sa pagitan ng kilusang ito, na tila napakaliit noon, at sa nakakikilabot na kilusang kinakaharap natin ngayon.
Ang Fasci di Combattimento ay hindi kailanman nawala. Nananatili si Mussolini na pinuno ng kilusang Pasista, at ang kanilang pahayagang Il Popolo d’Italia ay patuloy na inilalathala. Sa kabila ng pagiging nakabase sa Milano ng kanilang pang-araw-araw na pahayagan at pampulitikang pinuno, ang mga Pasista ay ganap na natalo sa Milano noong halalan ng Oktubre 1919. Sa kabila ng pagkuha ng katawa-tawang mababang bilang ng mga boto ay nagpatuloy pa rin sila sa kanilang mga aktibidad.
Pagkatapos ng digmaan, ang rebolusyonaryong sosyalistang agos sa loob ng proletaryado ay lubos na lumakas dahil sa rebolusyonaryong sigla ng masa, ngunit nabigo itong samantalahin ang paborableng sitwasyong ito. Dumaan ito sa karagdagang paghina dahil ang lahat ng mga obhetibo at sikolohikal na salik na pumabor sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong organisasyon ay walang nahanap na partidong may kakayahang itayo ito upang lumikha ng isang permanente at matatag na organisasyon. Hindi ko sinasabi – gaya ng ibinintang sa akin ni Kasamang Zinoviev na sinabi ko – na sana ay naisakatuparan ng Partidong Sosyalista ang rebolusyon sa Italya, ngunit kahit paano ay sana nakapagbigay ito sa mga rebolusyonaryong pwersa ng uring manggagawa ng isang matibay na organisasyon. Napatunayan nitong hindi ito sapat sa gawain. Kaya naman, kahit na palagi itong tutol sa digmaan, nakita na natin ngayon ang paglaho ng kasikatan na dating tinatamasa ng tendensiyang Sosyalista sa Italya.
Habang nabibigo ang kilusang Sosyalista na samantalahin ang panlipunang krisis sa Italya at gumagawa ng sunod-sunod na pagkakamali, ang kasalungat na kilusan – ang Pasismo – ay nagsimulang lumaki. Ang Pasismo ay higit na nakinabang mula sa nagbabadyang krisis pang-ekonomiya na nagsisimula nang magkaroon ng impluwensya sa loob ng organisasyon ng unyon ng kalakalan ng proletaryado. Bukod pa rito, sa panahon ng partikular na kahirapan, nakahanap ng suporta ang Pasismo sa ekspedisyon ni D’Annunzio sa Fiume. Mula sa ekspedisyon sa Fiume nahugot ng Pasismo ang isang tiyak na moral na lakas pati na rin ang pagsilang ng kanilang organisasyon at ng kanilang armadong pwersa; kahit na ang kilusang D’Annunzio at ang kilusang Pasista ay hindi magkapareho.
Napag-usapan na natin ang paninindigan ng kilusang sosyalista ng proletaryado: paulit-ulit na pinuna ng Internasyonal ang mga pagkakamali nito. Ang kinalabasan ng mga pagkakamaling ito ay ang ganap na pagbabago sa mentalidad ng burgesya at ng iba pang mga uri. Ang proletaryado ay nawalan ng organisasyon at nademoralisa. Matapos makita ang tagumpay na dumulas sa kanilang mga daliri, dumaan ito sa ganap na pagbabago ng saloobin. Maaaring sabihin na noong 1919, at sa unang kalahati ng 1920, ang Italyanong burgesya ay halos nagbitiw na sa ideyang kailangan nilang masaksihan ang tagumpay ng rebolusyon. Ang panggitnang uri at ang petiburgesya ay handa nang gumanap ng pasibong papel, hindi kasunod ng malaking burgesya, kundi kasunod ng proletaryado na nasa landas patungo sa tagumpay. Ngayon ay dumaan na rin sila sa isang ganap na pagbabago ng saloobin. Sa halip na magpasailalim sa tagumpay ng proletaryado, nakikita natin ang burgesya na nagoorganisa upang ipagtanggol ang sarili nito. Naging diskontento ang panggitnang uri nang makita nitong ang Partidong Sosyalista ay walang kakayahang mag-organisa sa paraang mangingibabaw ito; at dahil nawalan na ng tiwala sa kilusang proletaryo, ito ay bumaling sa oposisyon. Dito nagsimula ang kapitalistang opensiba ng burgesya. Karaniwan, pinagsamantalahan nito ang kasalukuyang estado ng pag-iisip ng panggitnang uri. Ang Pasismo, sa kadahilanan ng labis na sari-saring katangian nito, ay nag-alok ng solusyon sa problema kung paano pakikilusin ang burgesya sa likod ng kapitalistang opensiba.
Ang kaso ng Italya ay isang klasikong halimbawa ng kapitalistang opensiba. Kinakatawan nito, gaya ng sinabi sa atin ni Kasamang Radek kahapon mula sa platapormang ito, ang isang kumplikadong pangyayari, na dapat isaalang-alang hindi lamang mula sa pananaw ng pinababang sahod at mas mahabang oras ng paggawa, kundi pati na rin sa pangkalahatang pananaw ng pampulitika at militar na aksyon ng burgesya laban sa uring manggagawa.
Sa Italya, sa panahon kung kailan umuunlad ang Pasismo, nakita natin ang bawat manipestasyon ng kapitalistang opensiba. Kung nais nating isaalang-alang ang kapitalistang opensiba sa kabuuan nito, dapat nating suriin ang sitwasyon sa ilalim ng iba’t ibang aspeto nito, sa larangan man ng industriya o sa larangan ng agraryo.
Sa larangang industriyal, direktang pinagsamantalahan ng kapitalistang opensiba ang mga epekto ng krisis sa ekonomiya. Nagsimula ang krisis; nagkaroon ng kawalan ng trabaho. Ang ilan sa mga manggagawa ay kailangang tanggalin, at sinamantala ng mga tagapag-empleyo ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa mga pinuno ng unyon at sa mga mas matinding elemento sa labas ng mga pabrika. Ang krisis sa industriya ay nagbigay sa mga tagapag-empleyo ng magandang palusot upang magbawas ng sahod at bawiin ang mga disiplinaryo at moral na konsesyon na dati nang pinilit na ibigay ng mga manggagawa sa pabrika. Sa pagsisimula ng krisis na ito sa Italya, nabuo ang Pangkalahatang Kumpederasyon ng Industriya, isang asosasyon ng uring tagapag-empleyo na nangunguna sa laban kontra sa mga manggagawa at nagpapasailalim sa bawat indibidwal na sektor pang-industriya sa disiplina nito.
Sa malalaking lungsod, hindi ka maaaring maglunsad ng opensiba laban sa uring manggagawa gamit ang marahas na pamamaraan sa simula pa lang. Ang mga manggagawa sa lungsod ay kadalasang bumubuo ng isang malaking masa. Madali silang makapagtipon sa maraming bilang at magbigay ng seryosong paglaban. Samakatuwid, nagkaroon ng tendensiya na udyukin ang proletaryado sa mga pakikibaka na may pangunahing katangiang pang-unyon ng manggagawa; mga laban na madalas nilang ikinatalo dahil ang krisis sa ekonomiya ay nasa pinakamatinding yugto nito at patuloy ang pagtaas ng kawalan ng trabaho. Ang tanging paraan upang ang mga pakikibakang pang-ekonomiya sa larangang pang-industriya ay matagumpay na matapos ay ang paglipat ng aktibidad sa larangan ng unyon ng manggagawa patungo sa rebolusyonaryong nasasakupan, at gawin itong diktadurya ng isang tunay na komunistang partidong pampulitika. Ngunit ang Partidong Sosyalista ay hindi ganoon. Sa mapagpasyang sandali, napatunayan nitong wala itong kakayahang magbigay ng rebolusyonaryong pamumuno sa aksyon ng proletaryadong Italyano. Ang panahon ng malalaking tagumpay ng organisasyon ng unyon ng manggagawa sa Italya sa kanilang pakikibaka para mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa ay napalitan ng isang bagong panahon kung saan ang mga welga ay naging pandepensang welga sa panig ng uring manggagawa, at ang mga pagkatalo ang naging karaniwang nangyayari araw-araw.
Dahil, sa loob ng rebolusyonaryong kilusan sa Italya, ang mga uring agraryo (pangunahin ang mga manggagawang agrikultural, ngunit kabilang na rin ang mga sapin ng lipunan na hindi ganap na naging proletaryo) ay napakahalaga, ang mga naghaharing uri ay napilitang maghanap ng paraan upang labanan ang impluwensiyang nakuha ng mga Pulang organisasyon sa mga rural na distrito. Sa isang malaking bahagi ng Italya, partikular sa pinakamahalagang mga distritong agrikultural sa lambak ng Po, umiral ang isang kalagayan na lubos na kahawig ng isang lokal na diktadurya ng proletaryado, o kaya ay ng mga grupo ng mga manggagawang agrikultural sa anumang kaso. Ang mga komuna, na nakuha ng Partidong Sosyalista noong pagtatapos ng 1920, ay nagpatupad ng polisiyang magpataw ng mga lokal na buwis sa agraryong burgesya at sa mga panggitnang uri. Mayroon tayong mga umuunlad na unyon ng kalakalan, mahahalagang organisasyong kooperatiba at maraming seksyon ng Partidong Sosyalista. At, kahit na kung saan ang kilusan ay nasa kamay ng mga repormista, ang kilusan ng uring manggagawa sa mga rural na distrito ay gumamit ng tiyak na rebolusyonaryong paninindigan. Ang mga tagapag-empleyo ay napilitan pa ngang magdeposito ng halaga ng pera bilang isang uri ng garantiya na tutuparin nila ang mga kasunduang ipinataw sa kanila ng pakikibaka ng unyon. Kaya naman, sumibol ang isang sitwasyon kung saan ang agrikultural na burgesya ay hindi na makatira sa kanilang mga lupain at kinailangang maghanap ng kublihan sa mga lungsod.
Ngunit ang mga sosyalistang Italyano ay nakagawa ng ilang pagkakamali, partikular na patungkol sa isyu ng pag-okupa sa mga bakanteng lupain at sa tendensiya ng mga maliliit na nangungupahang magsasaka, pagkatapos ng digmaan, na bumili ng lupa upang maging maliliit na may-ari. Pinilit ng mga repormistang organisasyon ang mga maliliit na magsasakang ito na manatiling, wika nga, mga alipin ng kilusan ng mga manggagawang agrikultural; sa ilalim ng mga ganitong kalagayan natuklasan ng kilusang Pasista na maaari itong makahugot ng makabuluhang suporta.
Sa agrikultura ay walang krisis na nauugnay sa malawakang kawalan ng trabaho na magbibigay-daan sana upang ang mga may-ari ng lupa, sa larangan ng batayang pakikibaka ng mga unyon, ay makapaglunsad ng isang matagumpay na ganting-salakay. Dito, samakatuwid, sinimulang ipakilala ng mga Pasista ang kanilang mga pamamaraan ng pisikal na karahasan, ng armadong at malupit na puwersa, na humuhugot ng suporta mula sa uring nagmamay-ari sa rural at nagsasamantala sa diskontentong nalikha sa mga agrikultural na panggitnang uri bunga ng mga kapalpakan ng Partidong Sosyalista at ng mga repormistang organisasyon. Nakinabang din ang Pasismo sa pangkalahatang sitwasyon at sa lumalaking kalungkutan at diskontento na lumalaganap sa lahat ng patong ng petiburgesya, na nakakaapekto sa mga maliliit na tindero, maliliit na may-ari at ang mga natanggal na sundalo at dating opisyal na nabigo sa kanilang kinahinatnan matapos ang mga kaluwalhatian ng digmaan. Ang lahat ng mga elementong ito ay naging lubos na kapaki-pakinabang sa kanilang layunin, at nang maorganisa sa mga pormasyong militar, ang kilusan para sa pagwasak sa mga Pulang organisasyon sa mga rural na distrito ng Italya ay maaaring magsimula.
Ang mga pamamaraang ginamit ng Pasismo ay medyo kakaiba. Matapos tipunin ang lahat ng mga nademobilisang elemento na nabigong makahanap ng lugar para sa kanilang mga sarili sa lipunan pagkatapos ng digmaan, lubos nitong ginamit ang kanilang karanasan sa militar, at sinimulang buuin ang mga organisasyong militar nito hindi sa malalaking pang-industriyang lungsod, kundi sa mga lungsod na maaaring ituring bilang mga kabisera ng agrikultural na rehiyon sa Italya, tulad ng Bologna at Florence. At susuportahan ito sa layuning ito (gaya ng makikita natin) ng mga awtoridad ng Estado. Ang mga Pasista ay nagmamay-ari ng mga armas, mga paraan ng transportasyon, nagtatamasa ng kaligtasan mula sa batas, at sinasamantala ang mga paborableng kondisyong ito kahit doon sa mga lugar na hindi pa sila ganoon karami kaysa sa kanilang mga rebolusyonaryong kalaban.
Ang pamamaraan ng aksyon para sa kanilang mga ekspedisyong pamparusa ay halos ganito. Sasalakayin nila ang ilang maliliit na lugar sa probinsya, wawasakin ang punong-tanggapan ng mga organisasyong proletaryo, pipilitin ang lokal na konseho ng munisipyo na magbitiw sa ilalim ng banta ng bayoneta, at sasalakayin o papatayin ang sinumang sumalungat sa kanila, o sa pinakamababa ay pipilitin silang umalis sa distrito. Ang mga lokal na manggagawa ay walang kakayahang labanan ang gayong konsentrasyon ng mga armadong pwersa na sinusuportahan ng pulisya. Ang mga lokal na grupong Pasista, na dati ay hindi maglakas-loob na labanan ang mga pwersang proletaryo, ay siya na ngayong nangingibabaw dahil ang mga lokal na manggagawa at magsasaka ay tinakot, at natatakot na gumawa ng anumang aksyon dahil sa pangamba na baka bumalik ang ekspedisyon ng Pasista sa mas marami pang bilang.
Samakatuwid, nagpatuloy ang Pasismo sa pagsakop sa isang nangingibabaw na posisyon sa pulitika ng Italya sa isang uri ng kampanyang teritoryal, ang uri na napakahusay namang bakasin sa isang mapa. Ang kampanyang Pasista ay nagsimula sa Bologna, ang lungsod kung saan noong Setyembre-Oktubre 1922 ay nailuklok ang isang sosyalistang administrasyon at kung saan nagkaroon ng kasunod na pagpapakilos ng mga pulang pwersa. Maraming insidente ang nangyari: ang pagpupulong ng konseho ng munisipyo ay ginulo ng panlabas na probokasyon.
May mga pinaputok na baril sa mga bangko na inuupuan ng burges na minorya, marahil ng mga ahente-probokador. Ang mga kaganapang ito ay humantong sa unang malaking coup de main ng mga Pasista. Mula sa puntong ito, ang militanteng reaksyon ay lumaganap sa buong bansa, sinusunog ang mga klab ng mga proletaryo at minamaltrato ang kanilang mga pinuno. Sa buong suporta ng pulisya at ng mga awtoridad, kinuha nila ang lungsod. Nagsimula ang terorismo sa Bologna sa makasaysayang petsa ng Nobyembre 21, 1920, noong ang Konseho ng Munisipyo ng Bologna ay pinigilan sa pamamagitan ng karahasan mula sa pag-ako ng mga kapangyarihan nito.
Mula Bologna sinundan ng Pasismo ang isang ruta na hindi na natin ilabalangkas ng detalyado dito; sapat nang sabihin na sa heograpiya ay nagtungo ito sa dalawang direksyon, sa isang banda patungo sa pang-industriyang tatsulok sa Hilagang-Kanluran, na ang ibig sabihin ay Milano, Turin at Genova, at sa kabilang banda, patungo sa Tuskanya at sa gitna ng Italya, upang palibutan at kubkubin ang Kabisera. Malinaw sa simula pa lang na ang Timog ng Italya ay walang mas higit na kakayahang manganak ng kilusang Pasista kaysa sa isang malaking kilusang sosyalista. Ang Pasismo ay malayong maging kilusan ng paurong na bahagi ng burgesya kung kaya’t lumitaw muna ito hindi sa Katimugang Italya, kundi doon sa mga distrito kung saan ang proletaryong kilusan ay mas maunlad at ang pakikibaka ng mga uri ay mas kapansin-pansin.
Batay sa mga katotohanang ito, paano natin bibigyang-kahulugan ang kilusang Pasista? Ito ba ay isang purong agraryong kilusan? Hindi ito ang ibig naming sabihin nang sinabi naming ang kilusan ay nagmula sa mga rural na distrito. Ang Pasismo ay hindi maituturing na malayang kilusan ng isang partikular na bahagi ng burgesya, bilang organisasyon ng interes na agraryo bilang pagsalungat sa mga pang-industriyang kapitalista. At ang mas mahalaga pa, sa mga lungsod binuo ng Pasismo ang pampulitika at militar na organisasyon nito, kahit doon sa mga probinsya na nilimitahan nila ang kanilang mga marahas na aksyon sa mga rural na distrito.
Nakita natin na pagkatapos ng kanilang pakikilahok sa halalan noong 1921, ang mga Pasista ay bumuo ng isang parlyamentaryong pangkat, ngunit hindi nito napigilan ang pagbuo ng isang agraryong partido na malaya sa mga Pasista. Sa mga sunod-sunod na kaganapan, nakita natin ang mga pang-industriyang tagapag-empleyo na sumusuporta sa mga Pasista. Isang mapagpasyang salik sa bagong sitwasyon ay ang pinakahuling deklarasyon ng Pangkalahatang Kumpederasyon ng Industriya, na nagpahayag ng pabor sa pagtitiwala sa pagbuo ng isang bagong Gabinete kay Mussolini. Ngunit isang mas kapansin-pansing pangyayari sa bagay na ito ay ang paglitaw ng sindikalismong Pasista. Tulad ng nabanggit na, sinamantala ng mga Pasista ang katotohanang ang mga sosyalista ay hindi kailanman nagkaroon ng sarili nilang agraryong patakaran, at ang ilang partikular na elemento sa kanayunan, yaong mga hindi ganap na proletaryo, ay may mga interes na sumasalungat sa mga sosyalista. Ang Pasismo, kahit na isang armadong kilusan na nakasanayan nang gumamit ng mga pinakamalupit na anyo ng karahasan, ay marunong kung paano gamitin ang mga ganitong pamamaraan kasabay ng mga pinakasinisistikong pamamaraan ng demagohiya, at lumikha ng mga makauri na organisasyon sa mga magsasaka, at maging sa mga manggagawang agrikultural. Sa isang tiyak na kahulugan kinalaban pa nito ang mga may-ari ng lupa. May mga halimbawa ng mga pakikibaka ng unyon sa kalakalan na pinamunuan ng mga Pasista kung saan ang mga pamamaraang ginamit ay nagpapakita ng matinding pagkakatulad doon sa mga ginamit ng mga Pulang organisasyon. Hindi natin maituturing ang sindikalismong Pasista na ito, na gumagana sa pamamagitan ng paggamit ng dahas at pananakot, bilang isang anyo ng kontra-kapitalistang pakikibaka, ngunit sa kabilang banda ay hindi rin natin maaaring iguhit ang konklusyon na ang Pasismo ay isang partikular na kilusan lamang ng mga agrikultural na tagapag-empleyo.
Sa katunayan, ang Pasismo ay isang malaking unitaryong kilusan ng naghaharing uri, na may kakayahang isailalim sa pamamahala nito ang anuman at lahat ng paraan, at supilin ang bawat bahagyang at lokal na interes ng iba’t ibang mga tagapag-empleyo, sa agrikultura man o sa industriya, sa pagtataguyod ng mga mas malawak na layunin nito.
Hindi lubos na naunawaan ng proletaryado ang pangangailangan ng pagsasanib sa isang nag-iisang unitaryong organisasyon upang makakuha ng kapangyarihan at ang pangangailangang isakripisyo ang mga agarang interes ng pangkat na ito o iyon sa paghahanap ng layuning ito; hindi nito kayang lutasin ang problemang ito nang paborable ang panahon. Pinagsamantalahan ng Italyanong burgesya ang pagkakataong ito sa pamamagitan ng pagtatangkang gawin din ang parehong bagay para sa kapakanan ng kanilang sariling uri. Bumuo ang naghaharing uri ng isang organisasyon na magtatanggol sa kapangyarihan nito, na magiging buo sa ilalim ng kontrol nito at samakatuwid ay susunod sa isang unitaryong plano ng kapitalistang, kontra-proletaryong opensiba.
Lumikha ang Pasismo ng isang organisasyon ng unyon sa kalakalan. Bakit? Upang makilahok sa pakikibaka ng uri? Hindi kailanman! Ang panawagan ng kilusang unyon sa kalakalan na nilikha ng Pasismo ay maaaring ibuod sa ganitong paraan: lahat ng grupo ng pang-ekonomiyang interes ay may karapatang mag-organisa; maaari kang bumuo ng mga asosasyon ng mga manggagawa, magsasaka, mga negosyante, mga kapitalista, mga may-ari ng lupa, atbp; lahat ay maaaring mag-organisa sa parehong prinsipyo: na ang aktibidad ng unyon sa kalakalan ng lahat ng organisasyon ay dapat sumailalim sa pambansang interes, pambansang produksyon, pambansang prestihiyo, atbp. Ito ay walang iba kundi pakikipagtulungan ng iba’t ibang uri, ito ay hindi pakikibaka ng uri. Lahat ng interes ay nakadirekta tungo sa isang ipinangalandakang pambansang pagkakaisa. Ang pambansang pagkakaisang ito ay walang iba kundi ang kontra-rebolusyonaryong konserbasyon ng burges na estado at ng mga institusyon nito.
Naniniwala kami na ang pinagmulan ng Pasismo ay maaaring iugnay sa tatlong pangunahing salik: ang Estado, ang uring kapitalista, at ang panggitnang uri. Pangunahin sa mga ito ay ang Estado. Sa Italya, ang aparato ng Estado ay gumanap ng mahalagang papel sa pagkakatatag ng Pasismo. Ang mga ulat tungkol sa magkakasunod na krisis sa gobyerno sa Italya ay humantong sa ideya na ang uring kapitalistang Italyano ay nagmamay-ari ng isang aparato ng Estado na napaka-di-matatag kaya’t ang simpleng coup de main ay magiging sapat na para patalsikin ito. Hindi ito ang kaso. Ang katotohanan na ang Italyanong burgesya ay nakapagtatag ng pasistang organisasyon ay isang patunay kung gaano katatag ang aparato ng Estado nito.
Sa panahon na kaagad kasunod ng digmaan, ang Estado ng Italya ay dumaan sa isang krisis, kung saan ang pinaka-halatang dahilan ay demobilisasyon; lahat ng nakilahok sa digmaan ay biglaang ibinato papunta sa merkado ng Paggawa. Sa kritikal na puntong ito, ang makinarya ng Estado, na dati nang naorganisa sa pinakamataas nitong kapasidad upang labanan ang dayuhang kaaway, ay kailangang biglang mag-ibang-anyo tungo sa isang aparato upang ipagtanggol ang mga interes ng kapitalista laban sa panloob na rebolusyon. Ito ay isang malaking problema para sa burgesya; isang problema na hindi malulutas sa teknikal o militar na paraan kundi kinailangang lutasin sa pamamagitan ng pampulitikang paraan. Nakita natin ang pagsilang ng mga radikal na gobyerno sa panahon pagkatapos ng digmaan: ang pag-angat sa kapangyarihan nina Nitti at Giolitti.
Sa totoo lang, ang mga patakaran ng dalawang pulitikong ito ang naging dahilan upang ang kasunod na tagumpay ng Pasismo ay maging hindi maiiwasan. Una sa lahat, kinakailangan na magbigay ng mga konsesyon sa uring manggagawa; nang eksakto sa sandaling kinailangan ang pagpapatatag sa mekanismo ng Estado, lumitaw ang Pasismo sa eksena; at ito ay purong demagohiya lamang noong inakusahan ng huli ang mga gobyerno pagkatapos ng digmaan ng pag-atras sa mga rebolusyonaryo. Sa totoo lang, naging posible ang tagumpay ng Pasismo tiyak dahil sa mga unang ministeryo pagkatapos ng digmaan. Si Nitti at Giolitti ay gumawa ng ilang mga konsesyon sa uring manggagawa. Ang ilang mga hiling ng Partidong Sosyalista – demobilisasyon, isang demokratikong rehimen at amnestiya para sa mga tumakas sa hukbo – ay pinagbigyan. Ang mga iba’t ibang konsesyong ito ay ginawa upang makakuha ng panahon para maibalik ang makinarya ng Estado sa matatag na pundasyon. Si Nitti ang bumuo ng Guardia Regia, ang Maharlikang Guwardiya, isang organisasyong hindi pang-pulisya kundi isang bagong uri ng militar. Isa sa pinakamalaking pagkakamali na ginawa ng mga repormista ay ang hindi pagtuturing sa bagay na ito bilang isang pangunahing usapin; kahit na maaari sana itong harapin nang purong konstitusyonal na isyu, bilang pagtutol sa katotohanang bumubuo ang Estado ng ikalawang hukbo. Nabigo ang mga sosyalista na maunawaan ang puntong ito, dahil nakita nila kay Nitti ang isang tao na maaari nilang makatrabaho sa loob ng isang Kaliwang Gobyerno. Ito ay isa pang patunay ng kawalan ng kakayahan ng Partidong ito na makita kung saan patungo ang pulitika sa Italya.
Tinapos ni Giolitti ang gawaing sinimulan ni Nitti. Isang miyembro ng gabinete ni Giolitti, si Bonomi na Ministro ng Digmaan, ang siyang nagpalago sa mga simula ng Pasismo sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nademobilisang opisyal sa pamamahala ng sumisibol na kilusan; mga opisyal na bagama’t bumalik na sa buhay-sibilyan ay tumatanggap pa rin ng malaking bahagi ng kanilang sahod sa hukbo. Ang makinarya ng Estado ay inilagay sa pamamahala ng mga Pasista sa pinakamalaking antas na posible, at nilagyan ng lahat ng kinakailangang materyales para sa paglikha ng isang hukbo.
Noong panahon ng mga pag-okupa, alam na alam ng gobyerno ni Giolitti na nakuha ng armadong proletaryado ang kontrol sa mga pagawaan at ang agrikultural na proletaryado, sa ilalim ng simbuyo ng kanilang rebolusyonaryong opensiba, ay malapit nang kumuha sa pagmamay-ari ng lupa. Napagtanto nito na ang pagtanggap sa labanan, bago pa man maging handa ang mga kontra-rebolusyonaryong puwersa, ay magiging isang malaking pagkakamali. Habang inihahanda ng gobyerno ang mga reaksyunaryong puwersa na itinakda balang araw upang wasakin ang kilusang proletaryo, alam nilang maaari nilang gamitin ang pagmamaniobra ng mga taksil na pinuno ng Pangkalahatang Pederasyon ng Paggawa (na noon ay mga miyembro ng Partidong Sosyalista). Sa pamamagitan ng pagbibigay konsesyon sa batas tungkol sa Kontrol ng mga Manggagawa – na hindi naman kailanman binotohan, at lalo nang hindi ipinatupad – nagawang isalba ng Gobyerno ang burges na Estado.
Nasakop na ng proletaryado ang mga gawaan at ang mga lupain, ngunit muling nabigo ang Partidong Sosyalista na siguruhin ang nagkakaisang aksyon ng mga manggagawa sa industriya at agrikultura. At tumpak na ang kawalan ng kakayahang ito na makakuha ng nagkakaisang aksyon ang siyang nagbigay daan sa naghaharing uri na makamit ang kontra-rebolusyonaryong pagkakaisa, at kaya’t matalo ang mga manggagawa sa industriya sa isang banda, at ang mga manggagawa sa agrikultura sa kabilang banda. Gaya ng nakikita natin, gumanap ang Estado ng pangunahing papel sa pag-unlad ng Kilusang Pasista.
Pagkatapos ng mga gobyerno nina Nitti, Giolitti at Bonomi ay dumating ang Gabinete ni Facta. Ang trabaho nito ay ikubli ang katotohanang hinayaan ang Pasismo na magkaroon ng ganap na kalayaan sa pagkilos sa panahon ng kanilang pag-abante sa teritoryo. Noong panahon ng welga noong Agosto 1922, sumiklab ang mapapait na pakikibaka sa pagitan ng mga manggagawa at ng mga Pasista, kung saan ang huli ay lantarang sinuportahan ng gobyerno. Maaari nating banggitin ang halimbawa ng Bari, kung saan nanatiling walang talo ang mga manggagawa pagkatapos ng isang buong linggo ng pakikipaglaban, at kung saan nagbarikada sila sa loob ng kanilang mga bahay sa sinaunang lungsod at nagtayo ng armadong depensa, sa kabila ng buong pagpapakilos ng mga puwersang Pasista. Kinailangang umatras ng mga Pasista, nag-iwan ng ilang nasawi. At ano ang ginawa ng gobyerno ni Facta? Noong gabi ay ipinalibot nila sa lumang bayan ang libu-libong sundalo, daan-daang Carabinieri at Maharlikang Guwardiya, at nag-utos ng pagkubkob. Mula sa daungan, isang torpedo boat ang nagpasabog sa mga kabahayan; inilunsad ang mga machine gun, mga nakabaluting sasakyan at mga riple. Ang mga manggagawa, na nagulat sa kanilang pagtulog, ay natalo; ang Camera del Lavoro, ang Kamara ng Paggawa, ay sinakop. Pareho rin ang nangyari sa buong bansa. Saanman itinaboy pabalik ng mga manggagawa ang Pasismo, namagitan ang kapangyarihan ng Estado; ang mga manggagawa na lumaban ay pinagbabaril; ang mga manggagawang walang kasalanan kundi ang pagtatanggol sa sarili ay inaresto at hinatulan, habang ang mga Pasista, na pangkalahatang kilala bilang gumawa ng hindi mabilang na mga krimen, ay sistematikong pinawalang-sala ng mga mahistrado.
Samakatuwid, ang Estado ay ang pangunahing salik. Ang ikalawang salik sa pag-unlad ng Pasismo ay, gaya ng nabanggit na, ang malaking burgesya. Ang mga kapitalista ng industriya, pananalapi at komersyo, at gayundin ang malalaking nagmamay-ari ng lupa, ay may malinaw na interes sa pagbuo ng isang palaban na organisasyon na susuporta sa kanilang pag-atake sa mga manggagawa.
Ngunit ang ikatlong salik ay gumaganap ng hindi bababa sa kahalagahan na papel sa pinagmulan ng kapangyarihan ng Pasista. Upang makabuo ng isang ilegal na reaksyunaryong organisasyon kasabay ng Estado, kailangang magrekrut ng mga elemento maliban sa mga kabilang sa pinakamataas na antas ng nangingibabaw na uri. Ang mga naturang elemento ay nakuha sa pamamagitan ng pagbaling sa mga seksyon ng panggitnang uri na nabanggit na natin at sa pagpupunyaging bumuo ng mga alyansa sa kanila sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kanilang mga interes. Ito ang sinubukang gawin ng Pasismo at, aminin natin, ay matagumpay nilang nagawa. Nag-rekrut sila mula sa mga sapin ng lipunan na pinakamalapit sa proletaryado; mula sa mga nagdurusa sa epekto ng digmaan, mula sa petiburgesya, mga semi-burgesya, mga may-ari ng tindahan at mga mangangalakal, at higit sa lahat mula sa mga intelektuwal na elemento sa hanay ng mga kabataang burges, na sa pag-anib sa Pasismo ay natagpuan ang lakas upang moral na matubos ang kanilang mga sarili, at dahil ’nakadamit sa toga’ ng pakikibaka laban sa proletaryado ay tuluyang sasang-ayon sa pinaka-panatikong pagiging makabayan at imperyalismo. Ang mga huling elementong ito, na dumagsa sa Pasismo sa malaking bilang, ang magbibigay-daan upang maorganisa ito bilang militar.
Ito ang tatlong salik na nagbigay-daan sa ating mga kalaban upang harapin tayo gamit ang isang kilusan na walang katumbas sa kabangisan at brutalidad nito, ngunit, gayunpaman – at kailangan nating kilalanin ito – ay mahusay na organisado at may mga pampulitikang pinuno na may mataas na kakayahan. Hindi kailanman naunawaan ng Partidong Sosyalista ang kahalagahan ng sumisibol na Pasismo. Hindi kailanman naunawaan ng Avanti! kung ano ang binabalak ng burgesya, o kung paano tutulong sa mga planong iyon ang mga kriminal na pagkakamali ng mga pinuno ng uring manggagawa. Hindi man lang nila gustong banggitin ang pangalan ni Mussolini baka sakaling bigyan siya nito ng publisidad!
Gaya ng nakikita natin, ang Pasismo ay hindi isang bagong
pampulitikang doktrina. Gayunpaman, mayroon itong malakas na pampulitika at
militar na organisasyon, at may makabuluhang pamamahayag na isinasagawa na may
malaking kasanayan at eklektisismo sa peryodismo. Wala itong mga ideya, at
walang programa, ngunit ngayong dumating na ito sa pamumuno ng Estado, at
nahahanap ang sarili na nahaharap sa mga kongkretong problema, mapipilitan itong
asikasuhin ang pag-oorganisa ng ekonomiya ng Italya. At sa paglipat mula sa
negatibo tungo sa mga positibong aktibidad, sa kabila ng lakas ng kanilang
organisasyon, maipapakita nila ang kanilang mga kahinaan.
Nasuri na natin ang mga makasaysayan at panlipunang salik na nakaimpluwensya sa pagsilang ng kilusang Pasista. Tatalakayin naman natin ngayon ang ideolohiyang Pasista, at ang programang ginamit upang akitin ang iba’t ibang tagasuporta nito.
Ang aming pagsusuri ay humahantong sa konklusyon na walang bagong naidagdag ang Pasismo sa ideolohiya at tradisyonal na programa ng burges na pulitika. Ang kahusayan at pagiging orihinal nito ay binubuo ng organisasyon, disiplina, at herarkiya nito. Ngunit sa kabila ng bukod-tanging kakayahang militar nito, ang Pasismo ay naiiwan pa rin sa isang mahirap na problemang hindi nito malutas: habang ang krisis sa ekonomiya ay patuloy na naglalagay sa mga dahilan para sa isang rebolusyonaryong pag-aalsa sa unahan, ang Pasismo ay walang kakayahang muling ayusin ang burges na makinarya ng ekonomiya. Ang Pasismo, na hindi kailanman magagapi ang anarkiya sa ekonomiya ng sistemang kapitalista, ay may isa pang makasaysayang gawain na maaari nating tukuyin bilang pakikibaka laban sa anarkiyang pampulitika, laban sa anarkiya ng organisasyon ng uring burges bilang isang partidong pampulitika. Ang iba’t ibang sapin ng naghaharing uri sa Italya ay palaging bumubuo ng mga pampulitika at parlyamentaryong grupo na hindi nakabatay sa mga maayos na organisadong partido at nag-aaway-away sa kanilang mga sarili. Sa ilalim ng pamumuno ng mga kareristang pulitiko, ang kompetisyon sa pagitan ng mga grupong ito sa paligid ng mga pribado at lokal na interes ay humantong sa lahat ng uri ng intriga sa mga pasilyo ng parlamento. Pinilit ng kontra-rebolusyonaryong opensiba ang naghaharing uri, sa larangan ng panlipunang pakikibaka at patakaran ng pamahalaan, na pag-isahin ang mga puwersa nito. Ang Pasismo ang katuparan nito. Sa paglalagay ng sarili nito sa itaas ng lahat ng tradisyonal na partidong burges, unti-unti nitong inuubos ang kanilang mga miyembro, pinapalitan sila sa kanilang mga tungkulin at – salamat sa mga pagkakamali ng kilusang proletaryo – nagagawang pagsamantalahan ang kapangyarihang pampulitika at yamang tao ng mga panggitnang uri. Ngunit hindi kailanman nito magagawang sangkapan ang sarili ng isang praktikal na ideolohiya, at isang programa ng mga panlipunan at administratibong reporma, na higit pa sa tradisyonal na burges na pulitika; isang pulitika na libong beses nang nauwi sa wala noon pa man.
Walang malaking halaga ang kritikal na bahagi ng doktrinang Pasista. Ito ay kontra-sosyalista at kasabay nito ay kontra-demokratiko. Kung ang pagiging kontra-sosyalista ang pag-uusapan, malinaw na ang Pasismo ay ang kilusan ng mga kontra-demokratikong puwersa. Samakatuwid, natural lamang na ideklara nito ang sarili laban sa lahat ng sosyalista at mala-sosyalistang tendensiya. Gayunpaman, wala itong kakayahang maglahad ng anumang bagong pagbibigay-katwiran sa sistema ng pribadong pagmamay-ari at tila masaya na lamang itong ulit-ulitin ang luma at gasgas nang klisey tungkol sa pagkabigo ng komunismo sa Rusya. Tungkol naman sa demokrasya, dapat daw itong magbigay-daan sa Estadong Pasista dahil nabigo itong labanan ang mga rebolusyonaryo at kontra-nasyonal na tendensiya. Ngunit iyon ay isang walang-lamang parirala lamang.
Ang Pasismo ay hindi isang tendensiya ng Kanan-pakpak na burgesya, na, batay sa mga aristokrata, kaparian, at matataas na opisyal ng sibil at militar, ay nagnanais na palitan ang demokrasya ng isang monarkiyang konstitusyonal ng isang monarkikong despotismo. Sa katunayan, isinasagawa ng Pasismo ang kontra-rebolusyonaryong pakikibaka nito sa pamamagitan ng isang alyansa ng lahat ng bahagi ng burgesya, at sa kadahilanang ito, hindi lubusang kinakailangan na wasakin nito ang mga demokratikong institusyon. Mula sa pananaw ng mga Marxista, ang katotohanang ito ay hindi dapat ituring na balintuna, dahil alam na alam natin na ang demokratikong sistema ay walang iba kundi isang plantsa ng mga huwad na garantiya na itinayo upang itago ang dominasyon ng naghaharing uri sa ibabaw ng proletaryado.
Ginagamit ng Pasismo kapwa ang reaksyunaryong karahasan at ang mga demagogikong panlilinlang kung saan palaging dinadaya ng liberal na burgesya ang proletaryado habang tinitiyak ang pangingibabaw ng mga interes ng kapitalista. Kapag lumipat ang mga Pasista mula sa kanilang tinatawag na pagpuna sa liberal na Demokrasya patungo sa pagbabalangkas ng kanilang positibong konsepto, na hango sa panatikong pagkamakabayan at isang konsepto ng makasaysayang misyon ng mga tao, ibinabatay nila ito sa isang makasaysayang mito na madaling malantad, sa pamamagitan ng isang tunay na panlipunang pagsusuri sa bansang iyon ng mga huwad na tagumpay na tinatawag na ’Italya’. Sa kanilang mga pamamaraan ng pag-impluwensya sa mga nagkakagulong mga tao, wala tayong nakikitang iba kundi isang panggagaya sa klasikong pustura ng burges na demokrasya: kapag sinabi na ang lahat ng interes ay dapat isailalim sa mas mataas na pambansang interes, nangangahulugan lamang ito na ang prinsipyo ng kolaborasyon ng mga uri ay dapat suportahan, habang sa praktika ito ay isang paraan lamang ng pagprotekta sa mga burges na institusyon laban sa mga rebolusyonaryong pag-atake ng proletaryado. Ganito palagi ang ginagawa ng liberal na demokrasya.
Ang orihinal na tampok ng Pasismo ay namamalagi sa pag-oorganisa nito sa burges na partido ng pamahalaan. Ang mga pampulitikang kaganapan sa mga kamara ng Parlamento ng Italya ay nagmukhang nagpabulusok sa burges na Estado sa isang krisis na napakatindi kung kaya’t isang tulak na lamang ay sapat na upang pabagsakin ito. Sa katunayan, ito ay isang krisis lamang sa burges na sistema ng pamahalaan, na dulot ng kawalan ng kakayahan ng mga lumang pampulitikang grupo at ng mga tradisyonal na pinunong pampulitika ng Italya, na nabigong magsagawa ng isang epektibong kontra-rebolusyonaryong pakikibaka sa panahon ng isang matinding krisis. Bumuo ang Pasismo ng isang organo na may kakayahang gampanan ang papel bilang pinuno ng makinarya ng Estado. Ngunit kapag sa tabi ng kanilang negatibong kontra-proletaryong kampanya ay sinubukan ng mga Pasista na maglatag ng isang positibong programa, at mga kongkretong panukala para sa muling pag-oorganisa ng pang-ekonomiyang buhay ng bansa at pangangasiwa ng Estado, ang tanging magagawa nila ay ulitin ang mga banayad na karaniwang salita ng demokrasya at sanlipunang-demokrasya. Wala silang ibinigay sa aming ebidensya ng isang orihinal at koordinadong programa. Halimbawa, palagi nilang sinasabi na ang programa ng Pasista ay nagtataguyod ng pagbabawas ng burukrasya ng Estado, na nagsisimula sa pagbabawas sa bilang ng mga ministro at pagkatapos ay magpapatuloy sa pagpapalawak sa lahat ng sangay ng administrasyon. Gayunpaman, kung totoo na isinuko ni Mussolini ang espesyal na bagon ng tren na karaniwang nakalaan para sa Punong Ministro, gayunpaman ay tinaasan niya ang bilang ng mga ministro ng gabinete at mga pangalawang kalihim upang lumikha ng mga trabaho para sa kanyang mga kasabwat.
Ang Pasismo, matapos pansamantalang makipaglandian sa republikanismo, ay pumanig sa pinakamahigpit at loyalistang monarkismo; matapos tuligsain ang korapsyon sa parlamento, ay ganap na ngayong tinanggap ang nakasanayang pamamaraan ng parlamento.
Ang Pasismo, sa madaling salita, ay nagpakita ng napakaliit na inklinasyon na yakapin ang mga tendensiya ng purong reaksyon kung kaya’t nag-iwan ito ng sapat na espasyo para sa unyonismo. Sa kanilang kongreso sa Roma noong 1921, kung saan ang kanilang mga pagtatangka sa pagbuo ng mga doktrina ay halos maging katawa-tawa, sinubukan pa nilang ilarawan ang unyonismong Pasista bilang pangunahing kilusan ng mga intelektuwal na kategorya ng mga manggagawa. Ang kasinungalingan sa inaangking teoretikal na oryentasyong ito ay sagana namang pinatunayan ng malupit na katotohanan. Ang Pasismo, na ibinabatay ang mga kategorya ng unyon sa kalakalan nito sa paggamit ng pisikal na karahasan at ang closed shop (na pinahintulutan ng mga tagapag-empleyo na may layuning buwagin ang mga rebolusyonaryong unyon), ay hindi nagawang palawakin ang kapangyarihan nito sa mga organisasyong iyon kung saan ang teknikal na espesyalisasyon ng paggawa ay mas mataas. Ang kanilang mga pamamaraan ay nakatagpo ng ilang tagumpay sa mga manggagawang agrikultural at ilang sektor ng mga bihasang manggagawa sa lungsod, ang mga manggagawa sa daungan halimbawa, ngunit hindi sa mga mas maunlad at matalinong sektor ng proletaryado. Hindi man lang ito nagbigay ng bagong simbuyo sa organisasyon ng unyon sa kalakalan ng mga manggagawa sa opisina at mga artisano. Walang tunay na sustansya ang sindikalismong Pasista.
Ang programa at ideolohiya ng Pasismo ay naglalaman ng nakalilitong pinaghalong
mga ideya at kahilingan ng burges at petiburges, at ang sistematikong paggamit
nito ng karahasan laban sa proletaryado ay hindi pumipigil dito sa paggamit ng
mga oportunistang pamamaraan na ginagamit ng sanlipunang-demokrasya. Ipinapakita
ito sa paninindigan ng mga repormistang Italyano na ang pulitika, sa ilang
sandali, ay tila pinangibabawan ng mga prinsipyong kontra-Pasista, at ng ilusyon
na maaaring mabuo ang isang koalisyong pamahalaan ng burges-proletaryo laban sa
mga Pasista, ngunit ngayon ay pumanig na sa likod ng matagumpay na Pasismo. Ang
tagpong ito ay hindi man lang balintuna; nagmula ito sa isang partikular na
hanay ng mga kalagayan at maraming bagay ang nagparamdam na ito ay lubos na
mahuhulaan. Halimbawa, nariyan ang kilusang d’Annunzio, na sa isang banda ay
nauugnay sa Pasismo, ngunit sa kabilang banda ay nagtatangkang umapela sa mga
organisasyon ng uring manggagawa batay sa isang programa, na nagmula sa
Konstitusyon ng Fiume, na nag-aangking nakabatay sa mga proletaryo, at maging sa
mga sosyalistang pundasyon.
Nais ko sanang talakayin ang iba pang mahahalagang punto patungkol sa penomenong Pasista, ngunit nauubusan na ako ng oras. Kapag tinalakay na ang ulat, ang iba pang mga kasamang Italyano ay pupunan ang mga kakulangan. Sinadya kong alisin ang sentimental na panig ng usapin at hindi tinukoy ang mga pagdurusa na dinaranas ng mga manggagawang Italyano at mga komunista dahil hindi ko naramdaman na ito ang mahalagang aspeto ng isyu.
Kailangan ko na ngayong bumaling sa mga kamakailang kaganapan sa Italya, isang paksa na inaasahan ng Kongreso na lubos na malaman.
Umalis ang aming delegasyon sa Italya bago mangyari ang mga kamakailang kaganapan, at hanggang ngayon ay hindi pa ito nakakatanggap ng wastong impormasyon tungkol sa mga ito. Kagabi, isang kasama na itinalaga ng Komite Sentral ang dumating dito at nagbigay sa amin ng kinakailangang impormasyon. Ginagarantiya ko ang pagiging lehitimo ng mga balitang natanggap namin, at ilalahad ko ito sa inyo.
Ang Pamahalaan ni Facta, gaya ng nabanggit kanina, ang nagbigay-daan sa mga Pasista na isagawa ang kanilang patakaran sa napakalaking saklaw. Magbibigay lamang ako ng isang halimbawa nito: isang katotohanan na ang Partido Popular na Italyano, na mga katolikong-magsasaka at malakas na kinatawan sa sunud-sunod na mga pamahalaan noong mga panahong ito, ay hindi pumigil sa mga Pasista na ipagpatuloy ang kanilang kampanya laban sa mga organisasyon, miyembro, at institusyon ng nasabing partido. Ang umiiral na pamahalaan ay isa lamang huwad na pamahalaan na ang tanging aktibidad ay binubuo ng pagsuporta sa opensibang Pasista sa layunin nitong agawin ang kapangyarihan, isang opensiba na tinukoy namin bilang purong teritoryal at heograpikal. Sa katunayan, inihahanda ng pamahalaan ang daan para sa kudeta ng mga Pasista. Gayunpaman, mabilis na nagbabago ang sitwasyon. Isa na namang krisis sa ministeryo ang sumiklab. Nagkaroon ng mga panawagan para sa pagbibitiw ni Facta. Ang mga nakaraang halalan ay nagdulot ng isang sitwasyon sa Parlamento na ginawang imposible na makakuha ng isang gumaganang mayorya gamit ang mga lumang pamamaraan ng mga tradisyonal na partidong burges. Sa Italya, nakasanayan na naming sabihin na ang makapangyarihang Liberal na Partido ang nasa kapangyarihan, ngunit sa katunayan ay hindi ito isang Partido sa tunay na kahulugan ng salita. Hindi kailanman ito umiral bilang isang aktwal na Partido, wala itong organisasyon ng partido, at sa totoo lang ay isa lamang itong pagtitipon ng mga personal na paksyon, na nakapangkat sa paligid ng mga partikular na pulitiko sa Hilaga at Timog at sa paligid ng mga paksyon ng industriyal at agrikultural na burgesya, na minamaniobra ng mga propesyonal na pulitiko. Ang maluwag na kalipunang ito ng mga parlyamentaryo sa katunayan ang bumuo sa ubod ng bawat parlyamentaryong kombinasyon.
Umabot na ang Pasismo sa punto kung saan kailangan nitong pumili sa pagitan ng pagwawakas sa sitwasyong ito, o di kaya’y makaranas ng isang napakaseryosong panloob na krisis. Ang usapin ng organisasyon ay kailangan ding isaalang-alang. Kailangang humanap ng paraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng kilusang Pasista at panatilihin itong buhay sa pinansyal. Ang mga pondong ito sa malaking lawak ay ibinigay ng uring tagapag-empleyo, at, sa pagtingin, maging ng mga dayuhang pamahalaan. Ang France ay nagbigay ng pera sa grupo ni Mussolini. Sa isang lihim na sesyon ng Pamahalaang Pranses, tinalakay ang isang badyet na kinabibilangan ng malalaking halaga ng pera na ibinigay kay Mussolini noong 1915. Ang ebidensya nito, at mga katulad na dokumento, ay nakarating sa kaalaman ng Partidong Sosyalista ngunit nabigo silang gumawa ng anuman tungkol dito, dahil napagpasyahan na nilang tapos na ang maliligayang araw ni Mussolini. Pinadali rin ng Pamahalaang Italyano ang gawain ng mga Pasista, halimbawa, sa pamamagitan ng pagpayag na magamit ng mga tropa nito ang mga riles nang walang bayad. Gayunpaman, kung nagpasya ang mga pinuno nito na huwag kunin ang kapangyarihan, dahil sa napakalaking gastusin na natamo ng kilusang Pasista, malalagay sila sa isang napakahirap na sitwasyon. Hindi nila kayang maghintay hanggang sa susunod na halalan sa kabila ng katiyakan ng tagumpay.
Mayroon nang matibay na pampulitikang organisasyon ang mga Pasista. Mayroon na silang 300,000 miyembro, bagaman sasabihin nilang mababa pa ang pagtatayang iyan. Maaari pa nga silang manalo gamit lamang ang mga demokratikong pamamaraan. Gayunpaman napilitan silang pabilisin ang proseso, at pinabilis nga nila ito. Noong ika-24 ng Oktubre, isang Pambansang Konseho ng mga Pasista ang ginanap sa Naples. Alam na natin ngayon na ang kaganapang ito, na aktibong ipinahayag ng burges na pamamahayag, ay isa lamang maniobra upang ilihis ang atensyon mula sa Kudet. Sa isang tiyak na sandali ay sinabihan ang mga miyembro ng kongreso: Putulin ang inyong mga debate, may mas mahahalagang bagay na dapat gawin, bawat isa sa kanyang puwesto! Nagsimula na ang pagpapakilos ng mga Pasista. Ika-26 noon ng Oktubre. Tahimik ang lahat sa Kabisera. Idineklara ni Facta ang kanyang determinasyon na huwag magbitiw, o hindi bababa sa hindi hanggang sa nakatawag siya ng isang pagpupulong ng gabinete alinsunod sa normal na pamamaraan. Gayunpaman, sa kabila ng deklarasyong ito, ibibigay niya ang kanyang pagbibitiw sa Hari. Nagsimula ang negosasyon upang bumuo ng bagong Pamahalaan.
Nagsimula ang pagmamartsa ng mga Pasista sa Roma, ang sentro ng kanilang aktibidad (partikular silang aktibo sa gitnang Italya, lalo na sa Tuskanya). Hinayaan silang magpatuloy sa ginagawa nila.
Inatasan si Salandra na bumuo ng bagong Pamahalaan ngunit tumanggi dahil sa saloobin ng mga Pasista. Kung sa yugtong ito ay hindi ipinagkatiwala kay Mussolini ang trabaho, maaaring naging tulisan na ang mga Pasista at nagsimula ng mapanirang pananalasa sa mga bayan at rural na distrito, kahit pa labag sa kagustuhan ng kanilang mga pinuno. Nagsimulang magpakita ng pagkabalisa ang pampublikong opinyon. Nagbanta ang Pamahalaan ni Facta na magdeklara ng Batas Militar. Pormal na idineklara ang batas militar, at sa loob ng isang buong araw ay may inaasahang sagupaan sa pagitan ng mga puwersa ng Estado at ng mga puwersang Pasista. Nanatiling lubos na nag-aalinlangan ang aming mga kasama tungkol sa ganitong posibilidad. At sa katotohanan, hindi nakaranas ng anumang seryosong paglaban ang mga Pasista saanman. At gayunpaman ang ilang sektor ng hukbo ay laban sa mga Pasista: handang makipaglaban ang mga sundalo sa kanila. Ang nakararami sa mga opisyal gayunpaman ay pabor-Pasista.
Tumanggi ang Hari na pirmahan ang deklarasyon ng batas militar. Ito ay magiging katumbas ng pagtanggap sa mga kundisyon ng mga Pasista na inilabas sa Popolo D’Italia tulad ng sumusunod: Upang makakuha ng legal na solusyon, kailangan lamang hilingin kay Mussolini na bumuo ng bagong Gabinete. Kung hindi ito gagawin, magmamartsa tayo sa Roma.
Ilang oras matapos bawiin ang deklarasyon ng batas militar, nabalitaan na papunta na si Mussolini sa Roma. Isang depensang militar ng lungsod ang inihanda na, itinipon ang mga tropa sa lugar; ngunit sa ngayon ay tapos na ang mga negosasyon. Noong ika-31 ng Oktubre ay pumasok ang mga Pasista sa Roma nang walang kahit isang putok ng baril.
Pagkatapos ay bumuo si Mussolini ng bagong pamahalaan na ang komposisyon ay alam niyo na. Bagama’t ang Partidong Pasista ay mayroon lamang 35 upuan sa Parlamento, mayroon itong ganap na mayorya sa Pamahalaan. Inireserba ni Mussolini sa kanyang sarili ang posisyon bilang Pangulo ng Konseho, at ang mga portpolyo ng Ministri ng Panloob at ng Ugnayang Panlabas. Ang iba pang mahahalagang portpolyo ay hinati sa mga miyembro ng Partidong Pasista. Ngunit, dahil hindi pa nagaganap ang ganap na paghihiwalay sa mga tradisyonal na partido, kabilang sa pamahalaan ang dalawang kinatawan ng Sanlipunang-Demokrasya, iyon ay, ng makakaliwang burges, gayundin ang ilang liberal sa kanang-pakpak at isa sa mga tagasuporta ni Giolitti. Bilang kinatawan ng monarkiya ay matatagpuan natin si Heneral Diaz sa Ministri ng Digmaan, at si Almirante Thaon de Revel sa Almirantasgo. Ang partido popular, na may malaking bigat sa Kamara, ay nagpakita ng kahandaan nitong makipagkasundo kay Mussolini. Sa ilalim ng dahilan na ang mga opisyal na organo ng Partidong ito ay hindi maaaring magkita sa Roma, ang responsibilidad para sa pagtanggap sa mga alok ni Mussolini ay inatasan sa isang di-opisyal na asamblea na binubuo ng ilan sa mga parlyamentaryo ng Partido. Ilang mga konsesyon ang nakuha mula kay Mussolini, at ang pamamahayag ng partido popular ay nakapag-anunsyo na ang bagong Pamahalaan ay hindi talaga nagbago sa paraan kung paano kinakatawan ang mga tao sa pamamagitan ng sistemang elektoral.
Ang kompromiso ay umabot pa hanggang sa mga Sanlipunang-Demokrata, at sa isang pagkakataon ay naisip na si Baldesi, ang repormistang sosyalista, ay sasali rin sa Gabinete. Nang may matinding katusuhan, nilapitan siya ni Mussolini sa pamamagitan ng isa sa kanyang mga tenyente, at matapos ideklara ni Baldesi na magiging masaya siyang tanggapin ang posisyon, inilarawan ni Mussolini ang buong kaganapan bilang isang personal na hakbang ng isa sa kanyang mga kaibigan… kung saan nagpasya si Baldesi na huwag na lamang pumasok sa Gabinete pagkatapos ng lahat. At kung walang sinumang kinatawan si Mussolini mula sa repormistang Confederazione Generale del Lavoro sa Pamahalaan, ito ay pangunahin dahil tutol dito ang mga elemento ng Kanang-pakpak sa Gabinete. Ngunit ngayon na ang CGL ay naging independiyente mula sa anumang rebolusyonaryong partido, naniniwala pa rin siyang kinakailangang magkaroon ng isa sa mga kinatawan nito sa kanyang Malaking Pambansang Koalisyon.
Sa mga kaganapang ito, makikita natin ang isang kompromiso sa pagitan ng mga tradisyonal na pampulitikang grupo at iba’t ibang sektor ng naghaharing uri, ibig sabihin, ang mga may-ari ng lupa, at ang mga kapitalistang pinansyal at industriyal.
At lahat ng ito ay pinagsama-sama sa bagong rehimen ng Estado sa pamamagitan ng isang kilusang tumatanggap ng malakas na suporta mula sa petiburgesya.
Sa aming pananaw, ang Pasismo ay isang paraan ng pagpapanatili ng kapangyarihan sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng paraan na magagamit ng mga naghaharing uri, kabilang na maging ang paggamit sa mga aral ng unang matagumpay na proletaryong rebolusyon, ang Rebolusyong Ruso. Sa pagharap sa matinding krisis pang-ekonomiya, hindi mapapanatili ang kapangyarihan sa pamamagitan lamang ng mga puwersa ng Estado. Dapat din magkaroon ng nagkakaisang partido, isang sentralisadong kontra-rebolusyonaryong organisasyon. Ang Partidong Pasista, kaugnay sa burgesya, ay halos katulad ng Partidong Komunista ng Rusya kaugnay sa proletaryado – isang organo para sa pamamahala at pagkontrol sa makinarya ng Estado na matibay na organisado at disiplinado. Ang Partidong Pasista sa Italya ay naglagay ng mga ahente nitong pampulitika sa loob ng bawat mahalagang sangay ng Estado. Ito ay ang burges na organo para sa pagkontrol sa Estado sa panahon ng paghina ng kapitalista. Ito ay, sa aking palagay, isang angkop na makasaysayang interpretasyon sa Pasismo at sa mga kamakailang kaganapan sa Italya.
Ipinapakita ng mga unang hakbang ng bagong pamahalaan na walang pangunahing pagbabagong gagawin sa mga tradisyonal na institusyon. Siyempre, hindi ko ibig sabihin na pabor ang kasalukuyang sitwasyon sa proletaryo at sosyalistang kilusan, at gayunpaman hinuhulaan ko na ang Pasismo ay magtatapos bilang liberal at demokratiko. Ang lahat ng natanggap ng uring manggagawa mula sa mga Demokratikong pamahalaan ay mga proklamasyon at mga pangako. Halimbawa, tiniyak sa atin ng Pamahalaan ni Mussolini na igagalang nito ang kalayaan ng pamamahayag. Gayunpaman, maingat itong idinagdag na ang pamamahayag ay dapat na karapat-dapat sa gayong kalayaan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na sa kabila ng pangako ng pamahalaan na igalang ang kalayaan sa pamamahayag, papayagan nito ang mga militaristang Pasistang organisasyon nito, kung nais nila, na busalan ang mga pahayagan ng Komunista. Sa katunayan, mayroon nang ilang mga kaso nito na nangyari. Sa kabilang banda, dapat nating kilalanin na kahit gumawa ng ilang konsesyon ang pasistang pamahalaan sa mga burges na liberal, hindi tayo maaaring umasa nang labis sa pagtitiyak ni Mussolini na babaguhin niya ang kanyang mga militar na organisasyon upang maging mga atletikong asosasyon o mga katulad nito (nakarinig na tayo ng dose-dosenang mga Pasista na inaresto dahil tumanggi silang sumunod sa utos ng demobilisasyon na inilabas ni Mussolini).
Ano ang naging epekto ng mga kaganapang ito sa proletaryado? Natagpuan nito ang sarili sa isang posisyon kung saan wala itong ginagampanang mahalagang papel sa pakikibaka at kinailangang kumilos sa halos isang pasibong paraan. Hangga’t ang Partidong Komunista ay nababahala, palagi nitong alam na ang tagumpay ng Pasismo ay katumbas ng pagkatalo ng rebolusyonaryong kilusan.
Dahil ngayon ay isang di-mapag-aalinlangang katotohanan na wala tayong kakayahang maglunsad ng isang aktwal na opensiba laban sa reaksyong Pasista, ang pangunahing tanong ay kung ang mga taktika ng Partidong Komunista ay nagawang makakuha ng pinakamataas na posibleng mga pakinabang, mula sa isang nagtatanggol na posisyon, hanggang sa kung ano ang kinalaman sa pagtatanggol sa Italyanong proletaryado. Kung, sa halip na isang kompromiso sa pagitan ng burgesya at ng mga Pasista ay nagkaroon ng labanang militar, isang digmaang sibil, maaaring nagkaroon ng pagkakataon ang proletaryado na gampanan ang isang partikular na papel, sa pamamagitan ng paglikha ng isang nagkakaisang prente para sa pangkalahatang welga at makapuntos ng ilang tagumpay. Ngunit sa katayuan ng mga bagay, hindi nagawang makilahok ng proletaryado sa aksyon. Kahit gaano kahalaga ang mga kamakailang kaganapan, hindi dapat kalimutan ang katotohanan na ang pagbabago sa pampulitikang eksena ay naging mas hindi biglaan kaysa sa maaaring lumitaw. Nagkaroon ng pang-araw-araw na akumulasyon ng mga kaganapan na humantong sa pinal na kudeta ng mga Pasista. Bilang halimbawa ng labanan sa pagitan ng Estado at ng mga Pasista, sapat na upang banggitin ang sagupaan sa Cremona, kung saan may anim na nasawi. Lumaban ang mga manggagawa lamang sa Roma, kung saan ang mga rebolusyonaryong pwersa ng uring manggagawa ay sumagupa sa mga Pasista at marami ang nasugatan. Kinabukasan, sinakop ng Maharlikang Guwardiya ang mga tirahan ng uring manggagawa at inalisan ito ng lahat ng paraan ng depensa, at sa gayon ay naging posible para sa mga Pasista na pumasok at walang-awang barilin ang mga manggagawa. Sa mga kamakailang pakikibaka sa Italya, ito na ang pinakamadugo.
Nang magmungkahi ang Partidong Komunista ng isang Pangkalahatang Welga, dinisarmahan ng Confederazione Generale del Lavoro ang proletaryado sa pamamagitan ng paghihimok sa kanila na huwag sundin ang mga mapanganib na pangaral ng mga rebolusyonaryong grupo. Sa mismong sandali na pinigilan ang ating pamamahayag na lumabas, ikinalat nila ang tsismis na ang Partidong Komunista ay binuwag na.
Ang pinakamapaminsalang insidente na kinasangkutan ng ating Partido sa Roma ay ang pagsalakay ng mga Pasista sa mga editoryal na tanggapan ng Il Comunista. Noong ika-31 ng Oktubre, habang sakop ng 100,000 Pasista ang lungsod, pinasok ng isang banda ng mga Pasista ang pagawaan ng imprenta habang papalabas ang pahayagan. Nakatakas ang lahat ng kawani sa mga Pasista sa pamamagitan ng pagdaan sa mga emergency exit maliban kay kasamang Togliatti, ang ating punong patnugot, na nasa kanyang opisina. Pumasok ang mga Pasista at dinakip siya. Buong tapang niyang idineklara na siya ang punong patnugot ng Il Comunista, at siya ay pinatayo sa pader upang barilin. Habang itinutulak ng mga Pasista ang mga tao pabalik bilang paghahanda sa kanyang pagbitay, ipinaalam sa kanila na ang ibang mga patnugot ay tumatakas sa ibabaw ng mga bubong. Saka lamang nang umalis ang mga sumalakay upang tugisin sila ay nagawang makatakas ng ating kasama. Hindi nito napigilan ang ating kasama, pagkatapos lamang ng ilang araw, na magsalita sa isang pagpupulong sa Turin upang ipagdiwang ang anibersaryo ng Rebolusyong Ruso (Palakpakan).
Ngunit ito ay isang pambihirang kaso. Ang organisasyon ng ating partido ay nasa medyo magandang kalagayan. Kung sinuspinde ang paglalathala ng Il Comunista ito ay hindi dahil sa isang kautusan ng pamahalaan, kundi dahil tumanggi ang mga tagapag-imprenta na ilathala ito. Inilathala namin ito nang ilegal sa ibang pagawaan ng imprenta. Ang mga paghihirap sa paglalathala nito ay hindi sa teknikal na katangian, kundi pang-ekonomiya.
Ang gusali ng Ordine Nuovo sa Turin ay sinamsam at ang mga armas na itinago sa loob ng pasilidad para sa depensa nito ay kinumpiska. Ngunit ang pahayagan ay inilalathala na ngayon sa ibang lugar. Sa Trieste, nilusob ng pulisya ang pagawaan ng imprenta ng ating pahayagang Il Lavoratore, ngunit ang pahayagang ito ay lumalabas din nang ilegal. Ang mga posibilidad ng legal na trabaho ay umiiral pa rin para sa ating Partido at ang ating sitwasyon ay hindi naman ganoon katrahedya. Ngunit mahirap asahan ang mga pag-unlad sa hinaharap at dahil dito ay kailangan kong ipahayag ang aking sarili sa medyo maingat na paraan patungkol sa magiging sitwasyon ng ating partido at sa pag-usad ng ating trabaho. Ang kasama na kararating lang ay namamahala sa isang mahalagang lokal na organisasyon ng ating partido, at nagpapahayag siya ng interesanteng opinyon, na ibinabahagi rin ng maraming militante, na mas madaling magtrabaho ngayon kaysa noon. Hindi ko nais iharap ang opinyong ito bilang isang napatunayang katotohanan, ngunit ang kasama na nagsalita nito ay isang militante na nagtatrabaho sa hanay ng masa at ang kanyang pananaw ay hindi dapat basta-basta na lamang isawalang-bahala.
Nasabi ko na sa inyo na ipinakalat ng pamamahayag ng oposisyon ang maling balita na binuwag na ang ating partido. Itinanggi natin ito at muling itinatag ang katotohanan. Ang ating mga sentral na organong pampulitika, ang ating ilegal na sentrong militar, ang ating sentro ng unyon sa kalakalan, ay masigasig na nagtatrabaho, at ang ating mga koneksyon sa mga rural na distrito ay halos ganap na naibalik. Ang ating mga kasama sa Italya ay hindi nawalan ng ulirat ni isang saglit, at ginagawa na nila ngayon ang lahat ng kinakailangang paghahanda. Para sa mga sosyalista, ang mga tanggapan ng Avanti! ay winasak ng mga Pasista, at magtatagal pa ng ilang panahon bago muling lumabas ang pahayagan. Ang punong-tanggapan ng Partidong Sosyalista sa Roma, kasama ang mga arkibo nito, ay ganap na nawasak ng apoy. Patungkol sa paninindigan ng mga Maximalista sa polemika sa pagitan ng Partidong Komunista at ng Confederazione Generale del Lavoro, wala tayong anumang pahayag o dokumento kahit ano pa man. Tungkol sa mga repormista, malinaw mula sa tono ng kanilang mga publikasyon (na patuloy na inilalathala) na makikipag-alyansa sila sa bagong pamahalaan.
Tungkol sa sitwasyon ng unyon sa kalakalan, naniniwala si kasamang Repossi ng ating komite ng unyon sa kalakalan na magiging posible na ipagpatuloy ang gawaing ito. Ito ang pinakabagong impormasyon na aming natanggap, hanggang noong ika-6 ng Nobyembre.
Matagal na rin akong nagsasalita at hindi ko na tatalakayin ang usapin ng naging paninindigan ng ating partido sa buong panahon ng pag-unlad ng Pasismo, bagama’t inirereserba ko ang aking karapatan na gawin ito sa ibang bahagi ng Kongreso. Tungkol sa mga inaasahan para sa hinaharap, naniniwala kami na haharapin ng Pasismo ang diskontento na pinukaw ng mga patakaran ng pamahalaan nito. Ngunit, tulad ng alam na alam natin, kapag kontrolado ng isa hindi lamang ang Estado kundi pati na rin ang isang organisasyong militar, mas madaling sugpuin ang mga manipestasyon ng diskontento at pangibabawan ang hindi paborableng mga kondisyon sa ekonomiya. Ang salik na ito ay labis na napakahalaga rin sa kaso ng diktadurya ng proletaryado, kapag ang mga makasaysayang pag-unlad ay pabor sa atin. Walang alinlangan na ang mga Pasista ay napakahusay na organisado at nagtakda para sa kanilang mga sarili ng malinaw na layunin. Sa ilalim ng mga pangyayaring ito, maaaring tapusin na ang posisyon ng Pamahalaang Pasista ay tiyak na hindi mahina.
Maaaring napansin ninyo na hindi ko pinalubha ang mga kondisyon sa ilalim ng kung paano isinasagawa ng ating Partido ang pakikibaka nito. Iyon ay dahil nais kong iwasang gawin itong isang sentimental na isyu. Marahil ang Partidong Komunista ng Italya ay nakagawa ng ilang pagkakamali. May karapatan tayong punahin ang mga ito, ngunit naniniwala ako, sa kasalukuyang panahon, na ang saloobin ng ating mga kasama ay patunay na isinagawa natin ang isang mahalagang gawain: ang pagbuo ng isang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, bilang batayan para sa pagbangon ng uring manggagawa sa Italya. Ang mga Italyanong Komunista ay may karapatang kilalanin kung sino sila. Kahit na ang kanilang pamamaraan ay hindi palaging nakakuha ng pag-apruba, nararamdaman nila na wala silang dapat isisi sa kanilang mga sarili sa harap ng rebolusyonaryong kilusan at ng Komunistang Internasyonal.