|
||
|
Iran: Laban sa Digmaan sa Pagitan ng mga Bansa – Para sa Tunggalian sa Pagitan ng mga Uri |
Ang imperyalistang digmaan sa pagitan ng mga estado ay mapipigilan lamang ng tunggalian ng mga uri hanggang sa mapabagsak ang kapitalismo!
Ang mga banta mula sa US at Israel ay tuluyan nang humantong sa isang bukas na digmaan, na nangangakong magiging mas malawak at mas matagal kaysa sa labindalawang araw na labanan noong nakaraang Hunyo. Sampung estado sa buong Gitnang Silangan ang direktang nasasangkot na: mula sa Red Sea (Yemen) hanggang sa Golpong Persiko, Jordan, at Libano. Naglabas na rin ng magkasanib na pahayag ang mga burgesya ng Alemanya, Nagkakaisang Kaharian, at Pransya na nagdedeklara ng kanilang kahandaang gumawa ng "depensibong aksyon" upang protektahan ang kanilang maduduming interes sa rehiyon, at nagpadala na ang Paris ng isang barkong militar sa Tsipre at nagpakilos ng kanilang aircraft carrier sa Mediterranean.
Kasabay nito, dalawang araw bago ang ika-28 ng Pebrero, nagdeklara ng digmaan ang Pakistan laban sa Apganistan, kung saan pareho itong nasa hangganan ng Iran sa silangan, at inakusahan itong naging "kolonya ng Indiya" sabay bomba sa kabiserang Kabul. Kasama ang nakalimutang labanan sa Sudan, ang digmaan ay kinasasangkutan ng isang teritoryal na sakop na higit sa 5,000 kilometro, mula sa Silangang Aprika patungong Mediteraneo hanggang sa subkontinenteng Indiyo.
Ang Estados Unidos, na hindi na ang nangungunang industriyal na kapangyarihan sa mundo, ay nananatili pa ring nangungunang kapangyarihang militar sa daigdig. Habang nagtatamasa ito ng kalamangang ito, sinisikap nitong samantalahin ito sa pamamagitan ng mga prebentibong digmaan, upang makakuha ng mga posisyon ng kapangyarihan – sa militar, sa mga ruta ng kalakalan, at sa kontrol ng mga likas na yaman – sa ikapipinsala ng mga kakumpitensya nitong Europeo, ng Rusya, at higit sa lahat, ng imperyalismong Tsino, na mariing nagtutulak, bilang paghahanda sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig.
Higit pa sa pagkakahati-hati ng mga saklaw ng impluwensya – iyon ay, ang mga kita na nakuha mula sa pagsasamantala sa uring manggagawa sa lahat ng mga bansa – ang iba’t ibang pambansang burgesya, magkapanalig man o magkaaway, ay nagkakamal ng tubo sa pamamagitan ng digmaan. Ang mga dambuhala sa enerhiya ng Rusya na Gazprom Neft at Rosneft, gayundin ang mga tagagawa ng armas ng Tsina na Norinco at Avic at ang kumpanya ng langis na Petrochina, ay nakaranas ng matinding pagtaas sa halaga ng kanilang mga pagbabahagi salamat sa bagong digmaan. Sa pangkalahatan, ang malapit na ugnayang pinansyal at komersyal ng Tsina sa Rusya at Iran, at kasabay nito sa Israel at Estados Unidos, ay nagpapatunay na ang digmaan ay isang negosyo para sa lahat ng burgesya.
Tulad ng dati, ang mga walang laban na sibilyan, at una sa lahat ang proletaryado (uring manggagawa), ang nagbabayad para sa mga alitan ng mga kapitalistang oligarko. Ang tunay na politikal na nilalaman ng imperyalistang digmaan ay ang kalabanin ang proletaryado ng lahat ng bansa at paboran ang pandaigdigang burgesya. Kahit na ang mga manggagawang Europeo at Amerikano na – sa ngayon – ay hindi binobomba ay makakaranas ng paglala ng kanilang kalagayan sa pamumuhay habang tumataas ang mga presyo at gastusing militar.
Ang isyu ng programang nukleyar ng Iran o ang seguridad ng Israel ay isa lamang palusot. Ang nagtutulak sa mga estado patungo sa digmaan at muling pag-aarmas ay ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya na dulot ng labis na produksyon: ang mga kalakal ay hindi nabebenta sa loob ng bansa at lalong nagiging mahirap iluwas sa mga punong-puno nang merkado na pinag-aagawan ng mga kakumpitensya; ang masa ng gawa-gawang kapital na pinansyal ay dumadami hanggang sa sumabog ang susunod na speculative bubble; tumitindi ang digmaang pangkalakalan kasabay ng mga taripa na ginagamit upang buhayin ang nanghihinang lokal na produksyon.
Ang karera sa armas ay hindi maiiwasan sa kapitalismo: tanging ang ekonomiya ng digmaan, ang mapangwasak na paninirang susunod dito, at ang kasunod na muling pagtatayo ang makapagbibigay ng bagong buhay sa naghihingalong kapitalismo.
Ang pagpapabagsak sa rehimeng Ayatollah, na tumagal ng 47 taon, bilang pagliligtas daw sa mga mamamayang Iranian ay isa ring palusot. Ang brutal na panunupil sa pag-aalsa, kung saan sampu-sampung libong Iranian ang pinatay, pinahirapan, o inaresto, ay naganap halos dalawang buwan na ang nakararaan. Nakikialam lamang ang US at Israel ngayon, pagkatapos magawa ang maruming trabaho. Ang mga proklamasyon ng suporta para sa mga rebelde ng US at Israel sa panahon ng mga demonstrasyon noong unang bahagi ng Enero ay naging kapaki-pakinabang lamang sa rehimeng Iranian, na nagamit ito upang ituro silang nakikipagsabwatan sa mga dayuhang pwersa para masakerin sila. Pinag-iisa ng mga pambobomba ngayon ang mga pwersa ng oposisyon sa paligid ng nasyonalismo at samakatuwid ay sa paligid ng rehimen, na naghihiwalay sa mga manggagawang likas na nakararamdam na wala silang sariling bayan na ipagtatanggol kundi ang kanilang sariling maka-uring interes lamang at na, sa paglaban para rito, ay isinasagawa ang anti-burges, anti-nasyonal, internasyonalista, at rebolusyonaryong proletaryong pagpapatalo. Ang mga burgesya na nagpoproklama sa kanilang sarili bilang hindi mapagkakasunduang mga kaaway ay pinag-iisa ng kanilang interes na makitang durog, walang-wala, at nananatiling inaapi ang proletaryado ng Iran.
Hindi dapat magpalinlang ang mga manggagawang Iranian sa mga pagbabago ng anyo ng burges na rehimen, tulad ng sa kasamaang-palad ay nangyari noong 1979 sa pagbagsak ng Shah at pag-akyat sa kapangyarihan ng mga Ayatollah, na pangunahing dahil sa responsibilidad ng mga huwad na partido ng manggagawa, una na rito ang Tudeh, ang partido ng Stalinistang oportunismo sa Iran. Ang mga salita ng unyon ng mga manggagawa sa tram ng Tehran – ang Sherkat-e Vahed – sa kanilang pagbati sa ika-53 kongreso ng Pranses CGT noong 2023 ay nararapat alalahanin: "Kapag ang mga tubo ng mga kapitalista ay nakataya... walang malaking pagkakaiba ang mga kapitalistang estado sa mundo... Wala kaming inaasahan mula sa mga kapitalistang estado at kapangyarihan na naghahangad lamang ng kanilang sariling mga interes. Umaasa lamang kami sa lakas ng uring manggagawa sa Iran at sa suporta ng mga kilusang manggagawa sa buong mundo. Mabuhay ang pandaigdigang pagkakaisa ng mga manggagawa!" (Tehran, Marso 27, 2023).
Ang teokrasya, demokrasya, at pasismo ay mga balatkayo lamang upang pagtakpan ang diktadura ng Kapital sa ibabaw ng uring sumasahod. Ang mga kalagayan ng mga manggagawa ay hindi mapapabuti sa isang lalong naghihingalong kapitalismo na patungo sa digmaan. Ang palaban at matapang na proletaryado ng Iran ay kailangang harapin ang sarili nitong burgesya at ang mga politikal na kinatawan nito, naka-amerikana man o naka-sotana, sa pamamagitan ng pagpapalawak at pag-iisa ng mga welga para ipagtanggol ang sahod, pagharang sa produksyon, at pagiging halimbawa para sa mga manggagawa sa buong Gitnang Silangan. Bagaman mahaba at mahirap, ito ang tanging landas para sa uring manggagawa upang maiwasan ang pagbulusok sa bangin kung saan malapit nang ihulog ng anti-historikal na lipunan ng kapital ang buong sangkatauhan.
Ang mga "makatotohanan" at "kongkretong" nasyonalista at repormistang pananaw ay nagsisilbi lamang upang hadlangan ang tunggalian ng mga uri at humahantong sa pagkabigo, pagkatalo, at bagong panunupil. Sa loob ng mahigit isang daang taon, ang nasyonalistang propaganda, kapwa kanan at kaliwa, na naglilingkod sa mga interes ng ganito o ganyang burgesya, Kanluranin man o Silanganin, ay humantong sa parehong senaryo ng digmaan at matinding kahirapan, nang hindi nilulutas ang alinman sa mga imperyalistang sigalot at kontradiksyon, maging sa Gitnang Silangan man o saanman.
Ang sangkatauhan ay hindi dapat palayain mula sa mga Mullah, mula kay Putin, mula kay Trump, o mula sa terorismo, kundi mula sa Kapital!
Ang tanging pwersa na maaaring tumalo sa mga naghihingalong imperyalismo ay ang pandaigdigang uring manggagawa, na inorganisa sa mga unyong nakabatay sa uri at pinamumunuan ng kanilang rebolusyonaryong komunistang partido.
Laban sa digmaan sa pagitan ng mga estado, para sa digmaan sa pagitan ng mga uri!
Ang kaaway ng proletaryado ay ang sarili nitong burges na rehimen!
Angmga manggagawa ay walang bansa!